Thursday, December 1, 2011

Pusong Mamon


Pagtanaw at Pananaw

By Bert de Guzman
Balita
Ano ba ang pagkakaiba ng ipinatutupad na “All-Out Justice” ni President Benigno S. Aquino III sa iminumungkahi namang “All-Out War” ni dating Pangulong Joseph Estrada bukod sa SPELLING?
Papaano magkakaroon ng hustisya ang mga biktima at kanilang kamag-anak, partikular sa kaso ng 19 sundalong pinaslang ng mga taksil na rebelde ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kasama ang tulisang Abu Sayyaf Group (ASG), kung hanggang ngayon ay nagmamatigas ang liderato ng MILF na hindi nila isusurender si Commander Dan Laksaw Asnawi, lider ng mga tumambang sa mga sundalo at pinagbibintangang namugot sa mga kawal noong 2007 na kanila ring tinambangan.
Nakakahalata yata at nakakaramdam ang MILF sa pamumuno nina Al Haj Murad at Vice Chairman Ghadzali Jaafar na PUSONG MAMON ang gobyerno ni P-Noy kung kaya kaytapang nilang maghayag ng gayong paninindigan! Hindi naman marahil duwag ang gobyerno natin.
Hindi masisisi ang BOSS (taumbayan) ni PNoy kung magduda na walang sinseridad sa usapang-pangkapayapaan ang MILF subalit bilib na bilib naman ang binatang Pangulo na tutupad sa usapan ang mga rebelde na pinamumunuan ni Murad na kanyang kinausap nang palihm siyang magtungo sa Japan kamakailan. Maniniwala lang ba siya kung nagkakaubos na ang mga sundalo sa kamay ng MILF?
Samantala, kinukuwestiyon ni Minority Leader Edcel Lagman at ng mga kritiko ng Pangulo kung bakit binigyan ng Malacanang ng P5 milyon ang MILF gayong may hinalang ipinambili lang ito ng mga bala at amas panlaban sa tropa ng pamahalaan. Siyempre pa, itinanggi ito ng P-Noy admin at maging ng MILF. Ang P5 milyon daw ay para sa Bangsamoro Management and Leadership Institute (BMLI) na ang layunin ay magamit sa paggabay sa mga kabataang Muslim para maging mabubuting lider ng Mindanao.
-00-0-0-0-
Sa Banal na Kasulatan, maliwanag na isinasaad na ang “Salapi ang ugat ng lahat ng kasamaan. Ganito rin kaya ang nangyari sa naganap na pagpatay kay Ram Revilla, anak ni ex-Sen. Ramon Revilla Sr., na diumano ay ang dalawang kapatid ang pinaghihinalaang nasa likod ng pagpatay. Ang matandang Revilla raw ay nagbibigay ng P1 milyong allowance bawat buwan sa pamilya ni Genelyn Magsaysay, ina ni Ram at walong iba pa. May hinala ang mga sumusubaybay sa usapin na baka pinag-aawayan nila ang gayong halaga. Ito ay itinangging lahat ng mga Revilla at maging ni Ginang Magsaysay na asawa ng dating Senador.
Well, hindi sana totoo na dahil sa pera nag-away at nagpatayan ang magkakapatid. Hindi ang salapi ang pinakalundo ng kaligayahan ng tao sa mundo, manapa ay ang pagkakaroon ng “peace of mind” kahit kakaunti lang ang iyong pera at ikaw ay namumuhay nang simple, payapa, makatao, makadiyos at malusog! Bert de Guzman

No comments: