Saturday, December 17, 2011

Hacienda Luisita


Pagtanaw at Pananaw

By Bert de Guzman
Balita
Sa wakas, ipamamahagi na rin ang may 5,000 ektaryang lupain na pag-aari ng kamag-anak ni Pres. Benigno S. Aquino III. Hahangaan at paniniwalaan ng sambayanang Pinoy ang ibinabandaling TUWID NA DAAN ni P-Noy sa sandaling siya mismo ang hihikayat sa Cojuangco Family na agad ipatupad ang distribusyon ng malawak na lupain ng Hacienda Luisita at ng Azucarera de Tarlac.
Ipinahayag naman ni Agrarian Reform Sec. Virgilio Reyes na agad niyang iuutos ang pamamahagi ng lupain sa may 6,000 obrero at magsasaka na maraming taon nang nagtatrabaho sa sugar plantation at sugar milling business ng mga Cojuangco. Siyempre pa, nagbunyi ang mga magsasaka sa pagtatamo ng lupa na matagal na nilang binubungkal.
Maaaring hindi ninyo kilala si Lola Inyang, 80 anyos, na lumuwas pa sa Maynila mula sa Tarlac para pasalamatan ang Supreme Court na nag-utos sa pamamahagi ng malawak at di-maliparang uwak ng Pamilya Cojuangco!
-0-0-0-0-0-0
Naalala ko tuloy si Tatang na isang magsasaka at alipin ng lupa sa Bulacan na halos araw-araw ay nasa bukirin, matiyagang nag-aararo kung tag-ulan kasama si kalakian o baguntao upang ihanda ang bukid sa pagtatanim para sa anihan ay meron kaming pang-matrikula sa pag-aaral.
Sa Disyembre 14 o 15 ay lalagdaan ni P-Noy ang pambansang budget para sa 2012 na nagkakahalaga ng P1.816 trilyon. Ito marahil ang pinakamabilis na pagpapasa sa national budget sa kasaysayan ng Kamara na ang mga Senador at Kongresista ay kumilos nang apurahan upang magamit ang salapi para sa operasyon ng mga departamento at ahensiya ng pambahang pamahalaan. Kayang-kaya palang bilisan ang pagpapatibay ng pondo ng bayan, eh bakit sa nakalipas na panahon, kaybagal at usad-pagong ang approval nito.
-0-0-0-0-0
Ang popularidad ni boxing icon Manny Pacquiao ay biglang bumulusok dahil sa close fight nila ni Mexican boxer Juan Marquez “El Dinamita” Marquez sa Las Vegas kamakailan. Hindi umubra ang lakas at bilis ni Pacman sa magaling na counter-puncher. Hindi na siya ang pound-for-pound king ng ESPN Sports at Yahoo.com. Nadaig siya ni Floyd Mayweather. Gayunman, siya pa rin ang “hari” sa Ring Magazine, ang itinuturing na Bible of Sports. Mr. Bob Arum ng Top Rank, ihahayag mo pa bang “Pacquiao for President” si Manny?
-0-0-0-0-0-0
May balitang P50,000 pala kada araw ang bayad ni dating Pangulong Gloria Arroyo sa St. Luke’s Medical Center, Taguig City. Kaymahal na bayad para sa isang pasyente samantalang libu-libong pasyente ang nangamamatay nang hindi man lang nakaiinom ng gamot o kaya ay nadadala sa pagamutan.
-00-00-0-0-
Mabuti pa yata ang ASKAL (Asong Kalye) o ASPIN (Asong Pinoy) kesa hybrid-dogs at dayuhang mga aso tulad ng K-9 na ginagamit sa mga paliparan para umamoy ng droga at pulbura. Akalain ninyong noong Nob. 19, sinagpang ng isang K-9 dog sa NAIA 2 ang isang 2-anyos na bata kasama ang mga magulang pa-Cebu. Ayon sa report, nagtamo ang bata ng sugat sa ulo, mukha at bibig. Ang K-9 ay isang Belgian Malinois.
-0-0-0-0-0-0
Bilang isang practicing journalist, nakikiisa ako sa ika-2 anibersaryo ng Maguindanao Massacre na walang awang pinagbabaril na parang manok ang 58 tao noong Nob. 23, 2009, kabilang ang 32 media people, dahil lamang sa pulitika at kasakiman sa kapangyarihan. Sabi nga ni PilosopoTasyo, tamaan sana kayo ng kidlat at sumpain ng langit mga tampalasan! Bert de Guzman

No comments: