------------------------------------------------------------------------------------------------Hirit Na!
ni Arnold Clavio
Abante Tonite
May 24, 2008
Mukhang hinahamon ng ilang unipormadong awtoridad ang kakayahan ni PNP Chief Director General Avelino Razon at marapat lamang na hatawin ang mga abusadong ito ng ‘kamay na bakal’.
Natanggap ko ang email na ito habang nasa New Jersey ako galing sa Emergency. Humihingi sila ng tulong sa akin kaugnay ng nangyari sa kanilang ‘mahal sa buhay’ sa mga kamay ng mga pulis-MPD. Isang uri ng ‘hulidap’ na matagal nang raket ng ilang pasaway na pulis.
Dalawang pulis Maynila, na nakilalang sina CAPT. MENDOZA at SGT. GAVINO ng MPD Mobile Group ang nakaabang sa isang sasakyan na nakaparada sa panulukan ng Pablo Ocampo (dating Vito Cruz) at Taft Avenue.
Ang may-ari ng sasakyan ay si ‘Christian’ isang chef sa Mandarin Hotel at magsosoli lamang ng laptop sa kanyang pinsan.
Agad siyang sinita nina CAPT. MENDOZA at SGT.GAVINO kung bakit naka-park ang kanyang kotse sa No Parking Area gayong wala namang nakalagay na sign.
Pinilit siyang buksan ang kanyang trunk at doon na siya ginawan ng istorya na may nakuhang shabu roon. Isinama siya sa isang ATM booth at hiniling na i-withdraw niya ang lahat ng pera sa kanyang ATM card.
Nang walang nangyari agad siyang dinala sa MPD Headquarters sa UN Avenue kung saan siya pinahirapan. Tingnan ninyo mga ‘igan kung tamang ‘seminar’ lamang sa Subic ang parusang ipataw sa dalawang ito at apat na ibang pulis na nasa istasyon na nanakit kay Christian.
- anim na pulis ang halinhinang sumuntok sa kanya;
- pinuwersa siyang kumain ng shabu;
- direktang tinutukan ng baril at ipinasok pa sa kanyang ari dahilan para maihi siya sa sobrang takot. (Dito na siya pinagtawanan ng mga pulis.);
- hiningan ng P200,000 para siya palayain;
- ang paghihirap niya sa kamay ng mga hinayupak na pulis na ito ay mula alas-10 ng gabi hanggang alas-singko ng umaga.
Dumating ang mga kaklase ni Christian at nag-withdraw sa ATM machine ng 20 libong piso. Pagkaabot sa mga pulis ay agad siyang pinakawalan at tila parang walang nangyari.
Mamang pulis, nakatanggap ako ng impormasyon na hindi lamang si Christian ang nag-iisang biniktima ng notorious na grupong ito ng mga ‘hulidap’ na pulis sa naturang lugar kung saan paradahan ng mga mayayamang estudyante ng La Salle Taft. Nakakabahala ang pangyayaring ito at ‘di makakatulong sa pagsisikap mong linisin ng ‘scalawags’ ang PNP.
Hanggang sa mga sandaling ito ay hintakot pa rin si Christian at nanginginig tuwing makakakita ng unipormadong pulis. Umaksyon na rin si MPD Chief Supt. Rosales laban sa mga pulis ngunit mukhang may kalambutan. Naiparating ko na sa tanggapan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang sumbong na ito at umasang matatanggap ng pamilya ni Christian ang katarungan.
Akala ko noong una ay sa pelikula lang nangyayari ito. Pero may mga ilan palang demonyo na nagsusuot na uniporme at nagpapanggap na pulis para mambiktima ng mga inosenteng sibilyan. Mga inosenteng mamamayan lang ang kaya nilang takutin.
Kung may pagkilos sa pagbabalik ng parusang kamatayan para sa mga abusadong pulis, na katulad nina CAPT. MENDOZA at SGT. GAVINO, dapat itong suportahan ng mamamayan. Walang lugar sa Philippine National Police ang dalawang ito. Pinakain na at binihisan, sinusuwelduhan na at binibigyan pa ng armas ng mamamayan, pero ano ang isinukli, kawalanghiyaan.
Lord, Kayo na po ang bahala.Source
No comments:
Post a Comment