Wednesday, August 15, 2012

US, binatikos ang China

By Bert de Guzman
Binira ng United States ang China dahil sa pagtatayo ng military garrisons sa West Philippine Sea (South China Sea). Naniniwala ang US na dapat lutasin ang angkinan sa lugar sa pamamagitan ng diplomasya at mahusay na pag-uusap at hindi sa pagpapamalas ng military muscle at puwersang ekonomikal!
Sa ganitong situwasyon, meron pa kayang magagawa ang Pilipinas sa lantarang panghihimasok ng China sa teritoryo ng bansa na saklaw ng Exclusive Economic Zone? Ang puwersang militar ng Pilipinas ay pupugak-pugak, mga huklubang eroplano at navy vessels na binili pa yata noong panahon ni Mahoma kung kaya paano ihaharap ito sa mga makabagong giyerang pandigma, frigates, at fishing vessels? Nasaan ang modernisasyon ng AFP na noon pa ipinangangalandakan?
Sa isang media forum, iminungkahi ni Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon, dating AFP chief of staff, na hilingin ng gobyerno sa United Nations na magpadala ng peacekeeping force upang mapigilan ang walang habas na pangingisda at paninira ng corral reefs ng Chinese fishermen at sa posibleng armadong komprontasyon sa pagitan ng Pilipinas at ng Beijing.
Hoy, mga militanteng grupo na makabayan daw, bakit hindi kayo kumikibo sa nagaganap sa Panatag Shoal at Spratlys, bakit hindi kayo lumabas sa lansangan, humiyaw at magprotesta sa ginagawang ito ng China sa ating bansa, subalit kaytatapang at kaybabagsik sa pagkontra sa RP-US Balikatan Exercises at iba pang gawaing-tulong ng America?
Sa wakas, ginawaran na rin si Fernando Poe Jr. (FPJ) ng titulong National Artist matapos kumpirmahin ni PNoy ang 2006 proclamation ni CGMA noon. Tinanggihan ito ng Pamilya Poe sa paniniwalang dinaya ni Ate Glo si FPJ sa halalan noong 2004. Ang King of Action ay namatay sanhi ng massive stroke noong Disyembre, 2004 Kelan naman kaya si Dolphy?. Bert de Guzman

No comments: