Monday, March 26, 2012

Mga bilyonaryong Pinoy


March 20, 2012


Pagtanaw at Pananaw 
Ni Bert de Guzman
Mahigit sa 6 bilyon ang populasyon ng mundo sa ngayon. Sa bilang na ito, may 1,226 bilyonaryo (sa dolyar), at ang anim dito ay mga Pilipino. Sila ay sina Henry Sy, Lucio Tan, Andrew Tan, Enrique Razon, Eduardo Cojuangco at Roberto Ongpin.
-0-0-0-0-0
Samantala, milyun-milyong Pinoy ang nagdidildil ng asin, nagtitiyaga sa kaning tutong at sangbasong tubig para mapawi ang gutom.
-0-0-0-0-0
Sa ilang estado ng United States at maging sa ilang bansa sa Europe, pinapayagan na ang tinatawag na “same sex marriage.” Sana naman ay huwag mangyari ito sa sawi at nagdurusang Pilipinas dahil nakakikilabot malamang dalawang lalaki ang “nag-aarnisan” at dalawang anak ni Eba naman “nagpopompyangan.” Ano ang say ninyo mga kababayan?
-0-0-0-0-0-0
May plano pala ang Bases Conversion Development Authority (BCDA) na ang chairman ay si Ex-Rep. Felicito “Tong” Payumo na magtayo ng isang monorail project na ang nasa likod ay mga higanteng kompanya sa Japan na Mitsubishi Corp. at Hitachi. Ito ay mag-uugnay sa NAIA Terminal III hanggang Makati at Bonifacio Global City (BGC) central business districts. Inihayag ni Payumo na ang Japanese consortium ay tumitingin sa Japan International Corporation Agency (Jica) para sa pagpppondo ng feasibility study para sa planong Makati-Taguig-Pasay Monorail project. Tiyak bibilis ang biyahe pag natupad ito!
-0-0-0-0-0
Noong Marso 10, naging UNDER DE SAYA ang mga lalaking mambabatas sa Kamara dahil sa selebrasyon ng Women’s Month. Umaktong Speaker si Rep. Gina de Venecia, ginang ni ex-Speaker Joe de Venecia.  Si Manang Gina ang pangulo ng 65-strong Association of Women Legislators Foundation Inc. (AWLFI) na binubuo ng mga babaing kongresista kabilang sina dating Frst Lady at Rep. Imelda R. Marcos at ex-Pres. Gloria Arroyo na Kinatawan ng Pampanga.
-0-0-0-0-
Isang 21-anyos na Batangueno na anak ng karpintero at market vendor mula sa Lipa city ang Number One sa mga nagtapos na kadete ng Philippine Military Academy nitong Marso 18, 2012. Siya ay si Tom Puertollano na nanguna sa 186 PMA graduates ng Bagwis (Bagong Kawal ng Nag-iisang Lakas) Class 2012. Talaga ang kahirapan ay hindi sagwil sa tagumpay.
Sa pagtestigo ni Navotas Rep. Toby Tiangco kamakailan sa Senado, lumalabas na kaya hindi niya pinirmahan ang impeachment complaint ay hindi pa niya ito nababasa at delayed pa yata ang kanyang PDAF o pork barrel. Lintik na pork barrel ito, nag-aaway sa Kamara, sa Senado dahil sa P70 milyon sa bawat congressman at P200 milyon bawat senador.
Samantala, nakatunganga si Juan dela Cruz sa pakikinig o panonood sa Paglilitis kahit kumakalam ang sikmura. Bert de Guzman

No comments: