By Dave D'Angelo
Nasaan nga ba ang kabataang Filipino habang nangyayari ang mga kontrobersya sa ZTE at ang katakot-takot na pangyayari sa ating pamahalaan? Napagod na nga ba sila o ayaw na nilang kumilos?
Ang mga susunod na kasagutan ay batay lamang sa aking opinyon bilang isang lider na rin ng kabataan at nagmamasid sa mga nakaraang pangyayari kung saan nakilahok ang mga kabataan ng ating bansa at naging sanhi ng mga pagbabago sa ating bayan.
Nasaan ang kabataan? Sobrang busy sila sa pagtratrabaho sa mga call centers at pagtulong sa kanilang mga pamilya upang sila ay hindi magutom. Sa sobrang hirap ng buhay napagtanto ng karamihang kabataan na mas mahalaga ang unahin ang kanilang pansariling kapakanan kaysa ibigay ang panahon sa mga pagbabagong ang resulta ay hindi naman nagiging mabunga.
Nasaan ang kabataan? Sobrang busy at nagalaro ng Ragnarok, Khan, Panya, Rhan Online at iba pang online games. Busy sa pagpapalevel kasi mas mabuti pa dun at nagkakaroon ng katuturan ang kanilang pagtitiyaga kasi kahit papaano nakikitaan nila ang improvement ang kanilang mga virtual characters.
Nasaan ang kabataan? Busy sa pag-aaral at subsob sa mga thesis sa paaralan. Dahil sa globalisasyon kailangang maging competetive ang mga kabataan kung hindi wala silang mapapasukang trabaho.
Nasaan ang kabataan? Busy sa lovelife sapagkat sa pamamagitan ng pagmamahal ay nakikita nila at nararamdaman ang pagmamahal na hindi nila nararanasan sa tahanan sapagkat kailangang magtrabaho ng kanilang mga magulang upang mabuhay sila... minsan pa nga sa malalayong bansa sila nandun.
Yan ang sitwasyong kinakaharap ng kabataan at idagdag pa rito ang parang pagsasawa na sa kawalan ng pagtupad ng mga nalulukolok sa puwesto sa mga pinangako nila. Katwiran ng marami kahit sino namang maupo ganun at ganun pa rin ang mangyayari.
Nawala si Marcos... nawala si Erap... may nagbago ba? Patuloy na naghihirap ang bansa kahit pa ba sabihin ni GMA na umaangat na raw ang mga kung anu-anong umaangat... ang katotohanan may nakakaramdam ba nito. Ako na lang na nagsusumikap magkaroon ng sariling kumpanya at isang entrepeneur ay napapakamot sa laki ng buwis na binabayaran... tapos saan mapupunta? Sa bulsa ng mga buwaya sa pamahalaan.
Ang kailangan ng bansang ito ay isang totoong pagbabago na pasisimulan ng mga kabataan. Mga bagong lider na mula sa hanay ng kabataan... sila naman ang dapat mamunod... huwag na nating ipalit ang mga sinasabing makatao at mga may malasakit na lider na nakaupo sa ngayon. Humanap tayo ng isang lider na maaring magpunyagi sa atin at gamitin ang kapangyarihan ng kolektibong pagkilos at pagbabago.
Asan ka na kabataan? Kumilos ka at bumangon... ibangon natin ang bansang nilugmok ng mga lider na hindi pinagsilbihan ang bayang ito ng tapat!
Oras na ng bagong sistema! Oras na ng pagbabago!
Pagbabagong nakatutok sa konkretong paggawa at mga programa... pagbabagong hindi lamang nakabase sa pagsigaw sa kalsada kundi sa aksyon upang solusyunan ang mga problemang ating kinakaharap.
Tuesday, February 19, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment